Si Derrida at ang Kabuluhan ng Dekonstruksyon
Sunday, November 26th, 2006Papel sa Continental Philosophy
Dr. Carmelo P. Marollano
Dept. ng Pilosopiya, De La Salle University, Manila
1st Term, SY 2005-2006 (Agosto 27, 2005)
Pinoy Siguro si Jacques Derrida o Ang Dekonstruksyon
at Kabuluhan Nito
Genevieve L. Asenjo
Ph.D. in Literature (10394826)
Introduksyon ala Hello Garci: “Sa’n na nga ba tayo?”
Noong 1935 sa kanyang An Introduction to Metaphysics, may ganitong pahayag si Martin Heidegger: “Granted that we cannot do anything with philosophy, might not philosophy, if we concern ourselves with it, do something with us? (12).” Ngayong 2005, lalong lumalakas ang pagtatanong natin nang ganito – tayong mga nasa Dept. of Humanities – na sa istriktong pagpapakahulugan ayon kay Ciriaco Moron Arroyo sa The Humanities in the Age of Technology (2002), kinabibilangan ng lengguwahe, literatura, pilosopiya, at iba pang disiplina na tinataguriang “high culture.”
Elitista. Sosyal. Dahil kinabibilangan lamang ng mga kwalipikadong indibidwal at grupo.
Yaong ang produksyon ay resulta ng “rigorous knowledge” (strenge Wissenschaft) kung si Edmund Husserl pa[1]. “Emotions recollected in tranquility,” kung si T.S. Elliot. Sa madaling sabi, dumadaan sa madugong proseso ng aprentisyip, pagsasanay, iskolarsyip, at ng paglilikha mismo. Kung hindi man kaso ng simpleng pagiging henyo tulad ni Ludvig van Beethoven at ng sarili nating si Lucio San Pedro. Kaya nakilala natin sina Jacques Lacan, Claude Levi-Strauss, Roland Barthes, Michel Foucalt hanggang sina Julia Kristeva, Jacques Derrida, Jurgen Habermas, Fredric Jameson at marami pang iba bago sa kanila at pagkatapos nila.
Ngunit sabay sa pag-usad ng kapitalismo hanggang sa pamamayagpag ng globalisasyon, ang humanidades na “high culture” ay naging katumbas ng kawalan ng kita para sa maraming indibidwal at institusyon. Ang pagsunod sa kanilang yapak sa pamamagitan ng pag-major sa literatura at pilosopiya ay pagiging buang, loko-loko. Hindi dahil namatay si Roland Barthes sa pagkabangga ng Parisian laundry van, nagka-AIDS si Michel Foucalt, at napunta sa psychiatric hospital sina Lacan, Raymond Williams, Pierre Bourdieu, gayundin si Louis Althusser sa pagpatay niya sa asawa, kundi dahil nursing, pagiging skilled worker, at pagiging computer wizard ang passport sa kunwa’y nagiging global na mundo.
Non-profitable ang humanidades kaya ang pag-streamline ng mga kurso at proyekto bilang rasyonalisasyon ng maraming unibersidad (bagamat maaring hindi sa kabuuan ng College of Liberal Arts dahil hindi nga ba ngayong panahon ng terorismo at pagsulputan ng mga kung-anu-anong sakit tulad ng SARS, bumabaha (raw) ang funding para sa riserts at iskolarsyip sa mga nakabilang sa Dept. of Social Sciences?).
Kung tutuusin, hindi bago ang ating pagkabalisa at ang krisis na ito. Sa “Gorgias” sa The Dialogues of Plato (1898)[2], pinagsabihan ni Callicles si Socrates na mabuti lamang ang pag-aaral ng pilosopiya kapag bata pa at hinay-hinay lamang; hindi ito nakakabagay sa matatanda. Aniya: “You know perfectly well that philosophers know nothing about state laws and regulations. They are equally ignorant of the conversational standards that we have to adopt in dealing with our fellow men at home and abroad. Why, they are inexperienced even in human pleasures and desires! In a word, they are totally innocent of all human character” (484d). Patuloy pa niya, “When I see an older man still into his philosophy and showing no sign of giving it up, he seems to me to be asking for some hard knocks!” (485d; trans.,p. 293). Sa panahon ni Callicles, abogasya at teolohiya ang kursong mapapagkakitaan dahil ang estado at simbahan ang pangunahing institusyon na ngayo’y nakasalang din sa krisis na dala ng kapitalismo at globalisasyon.
Ito ang konteksto ng papel na ito: ang mga nabanggit na pahayag – ang refleksyong dala nila gayundin ang pakiramdam ng ambivalence, dis-ease at hauntedness, sa termino ng mga postkolonyal – at ang mga kasalukuyang pangyayari sa ating bansa na lalong nagpapalakas ng tanong sa sarili at sa komunidad ng humanidades sa kung ano ang magagawa at ang silbi ng mga naratibo at teorya/kritika/pilosopiya sa ating pagka-Filipino at pagka-bansa.
Ang Dekonstruksyon (Pinoy Style) at Kabuluhan Nito
Ano nga ba ang dekonstruksyon? Termino ito na pangunahing kinakatig sa Pranses na post-istrukturalistang si Jacques Derrida. Sa paglarawan nito bilang metodo at sa pag-abot ng layunin kong maipakita ang kabuluhan nito, binibigay ko ang isang paglalagom ng kasaysayan ng kritika na ayon sa kritikong si Isagani R. Cruz[3], ang “kabuuan ng panunuri, kritisismo, pamumuna, at teorya.” At dahil sa literatura ako nagpapakadalubhasa, pangunahin ko ring gagamitin ang mga nagawang dekonstruksyon ng mga Filipinong iskolar sa larangang ito, bagamat kung susuriin, kabiyak nito – kapuso - ang mga babangiting teksto sa pilosopiya at kulturang popular.
Sisimulan ko sa pagpapakilala sa Russian Formalism na namayagpag simula 1920s hanggang 1930s bilang produkto ng pag-aaklas laban sa Simbolismo ng mga grupong tulad ng The Moscow Linguistic Circle (Roman Jakobson) at kung saan sa “The theory of the formal method” ni Boris Eichenbaum, nakilala bilang kritika na pinagkaabalahan ang pagbigay definisyon sa sabdyek na literatura. Ang metodo na sinasabi nila ay ang siyensya ng literatura – ang isang siyentipikong pagtingin-suri sa literatura sa pamamagitan ng pagtanghal sa “literariness” nito sa porma mismo at hindi sa laman. Sa “Art as Technique” ni Victor Shklovsky na isang reaksyon sa dictum ni Alexander Potebnya na “art is thinking in images,” nakapaloob sa kakayahan ng literatura na mag-defamiliarize (“making strange”); sa poetic na lengguwahe nito (nakapaloob sa sound at speech pattern) laban sa pang-araw-araw na lengguwahe natin, at sa katotohanang nanggagaling mismo sa literatura at hindi sa kung ano at saan pa man.
Kaugnay nito ang New Criticism na namayagpag naman sa North America at Britanya noong 1940s bilang reaksyon sa bayograpifikal na kritisismo kung saan mas pinagtutuunang pansin ang buhay ng awtor kaysa teksto, gayundin sa umuusbong na mga bagong porma ng literatura na sinusulong ng kapitalistang mundo. Ilan sa mga kilalang New Critics ay sina John Crowe Ransom ( na siyang nagbinyag nito sa The New Criticism noong 1941), Cleanth Brooks at Robert Penn Warren sa kanilang Understanding Poetry (1938; 1950), I.A. Richards sa kanyang
Practical Criticism (1929), at Brooks sa kanyang The Heresy of the Paraphrase (1947).
Para sa mga New Critics, may sariling buhay, ganda, lakas ang teksto at hindi kailangang alamin ang intensyon ng awtor, ang kasaysayan o panahong kinapalooban nito’t ang interpretasyon ng mambabasa para masabing maganda ito at makapangyarihan. Kaya bukambibig ang “intentional fallacy” - pagtatangkang tingnan ang kinalaman ng awtor sa teksto – at “affective fallacy,” pagtuon-pansin sa interpretasyon at reaksyon ng mambabasa. Mahalaga para sa mga New Critics ang tinatawag na organic unity at responsibilidad ng mambabasa na mahanap ito sa pamamagitan ng pagtuon at paghimay sa temang isinasaboses ng persona o ispiker na nagpapahayag ng isang pag-uugali (attitude) sa partikular na tema. Kakitaan ang pag-uugali na ito ng tension, irony, paradox, ambiquity, ambivalence.
Close reading ang ginagawa nating teknik sa pagsusuri sa mga imahen at sintaks sa pagkilala sa mga irony, paradox, etc. na ito at sa pag-uugnay nito sa kabuuang tema na tinatang-hal ng isang tula halimbawa, kung saan partikular ang mga New Critics. Ayon kay Cruz sa “Tiempong-Tiempo: Dalawang Kritiko, Iisang Kritika,” ito ang tinatawag ni Soledad Reyes[4] na Bagong Kritisismo na ginawa ng ating mga kritiko noong dekada 50 hanggang dekada 70. Bagong Panunuri naman ang tawag dito ni Cruz at ang mag-asawang Edith at Edilberto Tiempo ang tinuturing niyang may kagagawan. Ani Cruz, naniniwala ang mga Tiempo sa pagiging bukod ng likha at ng literatura at hinahanapan nila ang likha (teksto) at lumikha (awtor) ng pakikibaka o pakikisangkot sa nilikha ( mundo). Walang art-for-art’s sake sa mga Tiempo, kung gayon.
Isa nang dekonstruksyon ang ginawang ito ni Cruz sa mga Tiempo (na formalist ang pangunahing reputasyon at kabilang sa “art-for-art’s sake” na hanay ng mga manunulat sa bansa). Nabanggit ko na nilalarawan bilang post-istrukturalista si Derrida at dekonstruksyon ang kilalang metodo ng kilusang ito na sabihin pa, reaksyon sa tinuturing na istrukturalismo. Maliban kay Derrida, kabilang sa mga post-istrukturalista sina Michel Foucalt, Jacques Lacan, at Julia Kristeva. Malakas ang impluwensiya sa kanila, na kanila ring pinagprotestahan, ng sistematikong
pagsusuri sa sistema ng lengguwahe ng kilalang istrukturalistang si Ferdinand de Saussure.
Para kay de Saussure, isang konstruksyon ng reyalidad ang lengguwahe, isang istruktura, isang “signifying system” at hindi isang refleksyon o midyum lamang. Bilang isang “sign,” ito ay “arbitrary.” Sa termino ni Derrida, ito ang differance kung saan nararanasan o nagaganap ang kahulugan at pagpapakahulugan (isang pagpapakahulugan nito ay isang espasyo ng pagkamalik-hain na minsan nakakaligtaan natin kaya kailangang alalahanin dahil nagtataglay ng bago’t kakaibang pagtingin sa bagay.) Jouissance ito sa mga feministang Pranses tulad ni Kristeva na
nangangahulugang pleasure bunga ng/sa pagkahanap /pagkaranas ng kahulugan).
Pinapaniwalaan ng mga istrukturalista na likha ang mundo ng dalawahan o binary opposition at ang nangunguna sa hanay ang siyang nag-iiral bilang dominante. Halimbawa: lalaki/babae, Ingles/Filipino, kultura/kalikasan, araw/gabi, bansa/rehiyon. Naging basehan ito ng semiotics o study of signs kung saan itong sign ay siyang unyon o pakikitagpo ng signifier (ang salita/lengguwahe) at signified (ang ideya o bagay na nire-represent nito) at kung papaniwalaan si Umberto Eco, ito ang kahit ano na magagamit sa pagsisinungaling.
Myth ito para kay Roland Barthes - ang level kung saan tayo nabubuhay at siyang responsible sa pagpapalaganap ng isang uri ng ideyolohiya o bias laban sa ibang grupo ng tao kaya kailangan natin itong suriin at balikwasin. Sa kanyang pag-aaral sa kulturang popular halimbawa, sinasabi ni Roland Tolentino[5] na isang pagtatabon sa sistemang kontraktwalisasyon ng kabataang Pinoy (reyalidad) ang mga sosyo-civic na aktibidad ng mga higanteng fastfood chain. Halimbawa ang Maagang Pamasko (signifier) na bumebenta ng imaheng may malasakit sa kabataang Filipino (signified) ang Jollibee (sign). Kaya isang mito ng pagiging wholesome ang endorser nitong si Aga Mulach dahil sa pagiging Tito Aga nito sa mga batang Pinoy ng
Jollibee dahil kung tutuusin, sa totoong buhay, naging binatang ama rin naman ito.
Tingan halimbawa ang ginawang paghahambing ni Leni dlR. Garcia sa kanyang pag-aaral na “Enchantment and the Meaning of Life: A Philosophy of Spirituality” sa mga teksto nina Mircea Eliade, The sacred and the profane: The nature of religion (1987) at ni Tomas Moore, The re-enchantment of everyday life (1997). Dito, denikontsrak ni Garcia ang
pamamayagpag ng “philosophical mind over the mythical mind” (binary opposition) na aniya, posibleng isang dahilan sa nanarasang “malaise ng” modernong indibidwal: ang kawalan ng kahulugan sa/ng buhay. Argumento ni Garcia na sa pagkalamon ng pilosopiya sa mitikal na imahinasyon, nawala ang ‘experience of enchantment’ na pinaniniwalaan niyang intrinsik na aspeto sa paghahanap at pagkakaroon ng kabuluhan sa buhay. Gamit ang metodo ng dekonstraksyon, naipakita niya kung paano magiging bukas ang pilosopiya sa ideya ng enchantment upang maging disiplinang angkop pag-aralan maging ng kabataan.
GMA: I am planning to STOP POVERTY & MASS STARVATION.
ERAP: Alam mo GLORIA, ‘yong POVERTY madaling pigilin, pero ang
MASTURBATION, human rights violation yan!
Gayunman, tulad ng sinabi ni Alan Wolfe sa kanyang introduksyon hinggil sa tono ng contempt at satire sa The Theory of the Leisure Class(2001) ng ekonomistang si Thorstein Veblen, mananatili ang tonong ito hanggat ang mayaman ay iba sa nakakarami sa atin, at ang bukas ay mananatiling katulad ng nakaraan.
Ganito rin ang marubdob kong paniniwala sa kabuluhan ng dekonstruksyon. Hindi tutuong “after theory” na tayo. Sa bansang inilalako ng mamamayan (babae, lalaki; bata, matanda) nito ang kanyang katawan sa loob at labas ng virtwal na espasyo ng internet; linggo-linggo tumataas ang presyo ng gasolina at bilihin at nagbabangayan sa kongreso at senado habang nagsisialisan ang mga nanay at tatay upang maging katulong at trabahador sa mga bansang mapang-api sa hindi nila kakulay, patuloy na kailangan nating magdekonstrak sa tunggalian ng mga pwersang nagpapanatili sa ating pagkalugmok. Lalo na sa ating pag-iisip at pag-uugali hinggil sa mga bagay na ito. At hindi ito dapat nagtatapos sa pagpapainlang lamang ng tono ng contempt at satire at parody tulad ng mga ginagawa natin sa mga anti-Erap, anti-GMA jokes:[6]
BUNYE: I have the authentic tape! Their’s is the doctored sister!
PAGUIA: My tape is the older sister of Bunye’s tape!
ONG: I have the mother of all tapes!
WYCOCO: I have the mother of all mother tapes!
PING: I have the Grandmother of all those mother tapes you fool!
ERAP: Anak ng jueteng! All I have is the Querida with me, I mean the step-mother of the grand mother of
all those mother tapes!!! But the Querida always knows more, ask Julie Yap!
RAMOS: I have the real mother of all grand mother tapes!!! hehehe!
CARDINAL SIN: I have the Mother Superior tape with me, and you can bet it’s the virgin version!
Sa mga Filipinong kritiko, dekolonisasyon ng ating pag-pag-iisip, ng ating edukasyon, ang sinusulong ni Cruz. Kung paano siya nakaabot sa ganitong paniniwala, narito ang ekserpt ng ginawa kong interbyu sa kanya[7]:
Bevz: Maari n’yo po bang mabahagi ang proseso/istorya ng sarili ninyong
"decolonization of the mind?" (ang inyong eureka moments; struggle, kung mayroon man, sa pagshift mula Ingles patungo Filipino; sa paggiit ng inyong kritika vis-a-vis sa dominanteng kamalayan kapwa sa loob at labas ng bansa, etc.)?
IRC: Bago pa ako nagtungo USA, associate editor na ako ng Mabuhay (Tagalog daily
tabloid). Dahil top ako ng klase ko sa Maryland (marami kami, mga 30, pero dalawa lang kaming grumadweyt on time at straight A’s ako doon), naunawaan ko na hindi pala matatalino ang mga kritikong kano at nawalan ako ng respeto sa kanila, kaya hanggang ngayon ay wala akong tinitingalang kritikong kano, bukod siguro kay Fredric Jameson kasi kaibigan ko iyon, pero kahit siya medyo luma na ang marxismo. Pagbalik ko sa Filipinas, nainis ako na masyadong tinitingala ang mga kritikong kano, lalo na si Cleanth Brooks (na ginawa kong dissertation topic at ipinakita kong hindi naman siya konsistent sa kanyang New Criticism kuno).
Lalong tumindi ang aking pagiging anti-gahum nang nagpunta ako sa Inglaterra noong 1988, dahil nakausap ko ang lahat ng pangunahing kritiko doon at parang bilib naman sila sa akin kaya hindi ako nahihiyang ipaalam ang aking mga ideya (siguro dahil masyadong polite ang mga British, siguro kasi nabasa ko ang mga libro nila kaya type nila ako, siguro dahil Full Prof ako at karamihan sa kanila Lecturer lang o Associate Prof, basta ang feeling ko noon okey pala ako dahil naniniwala ang mga big-time na kritikong British sa akin). Nagkaroon tuloy ako ng confidence at kaunting yabang. Kaya sa Chicago sa MLA Convention (importante iyon dahil iilan lamang ang mga iskolar na iniimbitahang magbasa ng papel doon), tsinugi ko ang mga Amerikanong kritiko at sinabi kong sila binasa ko pero ako hindi nila binasa kaya ignorante sila.
Arroyo Ciriaco Moron. 2002. The Humanities in the Age of Technology. Washington: The
Catholic University of America Press.
Caputo, John, Ed. 1997. Deconstruction in a Nutshell: A conversation with Jacques Derrida.
New York: Fordham University Press.
Cruz, Isagani R. 2003. Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay. Edited by David Jonathan
Bayot. Quezon City: University of the Philippines Press.
Derrida, Jacques. 1981. Dissemination. Translated with an introduction and additional notes by
Barbara Johnson. Chicago: The University of Chicago Press.
____________. 1982. Margins of Philosophy. Translated with additional notes by Alan Bass.
Brighton, Sussex: Harvester Press.
Eagleton, Terry. 2003. After Theory. New York: Basi Books.
Garcia-Castro, Leni. 2005. “Enchantment and the meaning of life: A philosophy of spirituality.”
Pilosopiya: International Journal of Philosophy 34 (1).
Veblen, Thorstein.2001. The Theory of the Leisure Class. New York: Random House, Inc.
[1] Bagamat sa kanyang Phenomenology and the crisis of philosophy (1965), pinabulaanan ni Husserl ang pagtatangka ng pilosopiya na maging “rigorous science.”
[2] Sa Introduksyon ni Ciriaco Moron Aroyo. The Humanities in the Age of Technology (Washington: The Catholic University Press of America, 2002).
[3] Retired Full Professor ng Dept. ng Literatura at Filipino sa De La Salle University, Manila. Dating Undersecretary ng Education noong termino ng dating Sen. Raul Roco. Tinuturing na isa sa mga pangunahing iskolar at kritiko sa bansa. Kasalukuyang kolumnista sa Philippine Star at kasapi ng Manila Critics Circle at marami pang organisasyon.
[4] Kilalang iskolar at kritiko, particular sa kritisismo at kulturang popular. Full Profesor sa Ateneo de Manila University.
[5] Kilalang iskolar at kritiko na nakabase sa Unibersidad ng Pilipinas. Tingan halimbawa ang Sa Loob at Labas ng Mall Kong Sawi/Kaliluha’y Siyang Nangyayaring Hari: Ang Pagkatuto at Pagtatanghal ng Kulturang Popular (Quezon City: University of the Philippines Press, 1997).
[6] Personal email.
[7] Personal email.
