Kung Ang Makata Ay Ang Tula Ay Ang Blurbs At Introduksyon,
Nasaan Ang Mambabasa?
Genevieve L. Asenjo
Edgar Calabia Samar
Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay
Quezon City: Office of Research and Publications
Ateneo de Manila University. 2006. 63 pahina.
Ayon kay Edward Hirsch sa How To Read A Poem, ang mambabasa ang kumukompleto ng tula dahil sa proseso, dala-dala nito sa pagpasok sa tula ang mga sariling karanasan.
Dumating sa akin ang Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay ni Edgar Calabia Samar sa buwan ng Mayo ilang linggo matapos ito mailunsad. Baon ito ng isang kaibigang makata nang magkasundo kaming magkita sa isang restawran sa isang mall. Nasa laki at haba ng aklat ang gaan nito. Puti ang pabalat hanggang dadalhin ka sa bandang dulo sa imahen ng isang diwata sa gubat – hubad, nakalatag sa lupa ang mahabang buhok, nakatalungko sa pagkaupo sa ibabaw ng mapa ng Laguna saan malaking marka ang San Pablo City.
Sa pamagat at pabalat, naalala ko ang aklat ni Resil Mojares na Waiting for Mariang Makiling. Ayon kay Mojares, itong pag-aabang sa estado ng pagkabangungot bunga ng kasaysayan ng kolonisasyon at patuloy na pagiging alipin natin sa panahon ng globalisasyon ang
tumutulak sa Filipinong manunulat na hanapin ang kanyang boses sa akto ng pag-aakda ng bansa - kung sa pananalita pa ng Pambansang Alagad ng Sining, Bienvenido Lumbera.
Nang hapong iyon sa loob ng restawran sa mall, nasalat ko sa pamagat at pabalat ng aklat ang mga sinaunang mito. Lalo pa’t kababalik ko pa lamang galing probinsya saan parang dating kaklase na bumisita ang unang bagyo ng taon. Naalala ko rin si Franz Kafka. Nanumbalik sa akin ang minsang nabasa kong sinabi niya sa kaibigang si Oskar Pollak noong 1904: “What we need are books that hit us like a most painful misfortune, like the death of someone we loved more than we love ourselves, that make us feel as though we had been banished to the woods, far from any human presence, like a suicide.”
Binigkas ko rin ito sa aking kaibigan at pinadala bilang text message sa marami pang kaibigang manunulat at mambabasa.
Gusto ko ang laki, ang haba, ang timbang ng aklat. Madadala kahit saan. Dahil tulad ng pagsusulat, isang pagnanasa para sa akin ang pagbabasa. Bumabasa ako ng aklat ng tula kapag hinahanap ko ang sarili; ang posibilidad ng kagandahan at kahulugan, ang banal - sa gitna ng pang-araw-araw na paghihikahos. Kaya isang pribadong gawain ang pagbabasa na nananahan sa mga kamay. Napapalaot ako nito sa kasulok-sulukang espasyo ng pag-iisip at pandama hindi lamang sa katahimikan ng aking kuwarto o ng isang hardin kundi maging habang nakabukas ang tv; naka-iPod; o sa gitna ng nagbabangayang tunog na bumabalot sa isang sasakyan, coffee shop, fastfood joint, airport, terminal.
Ngunit nang buklatin ko ang Pag-aabang sa Kundiman, naantala ako sa paglalakad sa mga pahina: naging trapik ang maraming blurbs. Parang naglalakihang billboards at streamers na alam mong naglalayong kumiliti sa imahinasyon, umakit, pumukaw ng pagnanasa hanggang sa kikilos kang bumili ngunit humaharang sa paningin - sa pagtingin. “Reading means approaching something that is just coming into being,” sabi ni Italo Calvino sa If On A Winter’s Night A Traveler.
Isa nang konstruksyon si Samar bago ko pa man siya napaglaanan ng meditasyon. Pansinin halimbawa ang mga blurbs:
“…Ngayong nakapaglimayon na, kailangang ibalik ang sarili sa sariling na-diaspora sa lungsod, sa sinapupunan ng inang lumiko sa maling gubat,sa pangalang Elias, sa amang iba ang buto sa anak, sa kamalig na ang laman ay hindi bigas kundi basyo ng bala. Kaagapay ng Makatang paudlot-udlot na kinakausap ng persona sa pagitan ng mga lirikong makapag-iisa naman, naihabi ni Samar ang isang pahiwatig na poetika ng pag-aabang sa mga talinhaga ng pag-alis at pagba-balik na siyang namumukod-tangi sa kanyang mga Kundimang lagalag. Naririto ang pag-akda ng bayan na may timyas.”
- Benilda Santos
“Nasa matimpi at estratehikong manipulasyon ng hulagway at parikala ang talim ng pananalinghaga. Tahimik ngunit nakakaiwa. May pangkalahatang tema na nang-aakit ng pait ng maalamat na pagbabalik upang malasap ang lalong masaklap na realistikong pagsulong.May pagpapanukala na walang katubusan ang Makata sa pagkagunaw ng gunita ngunit patuloy na pumipintig ang pag-ibig sa pag-iisa ng pagtula…”
- Michael Coroza
“Malimit banggitin sa koleksyong Pag-aabang sa Kundiman ang mga salitang ligaw at alaala. Sinisikap tuntunin ng mga tula rito ang landas pabalik sa pinagmulan ng makatang sadyang iniligaw ang sarili sa kasukalang nilikha ng imahinasyon mula sa mga alaalang pinili niyang talikuran. Mahirap na gawain ito, itong pagpapanday ng mito ng sarili upang bigyang-anyo ang maraming ligalig ngunit kailangang pagdaan…”
- Allan Popa
“…From the river Uliuli to the intersection of Kundiman and Espana, his fascination is with space and the riddles of distance, including how people find and lose their way, sometimes intentionally. On his odyssey he also discovers limits – of maps, memory and language – though certainly not of the poetic imagination.”
-Naya Valdellon
Naisip kong marahil dapat sadyang maging blurb ang blurb: isang labis na puna sa halaga ng obra mula sa mga kinikilalang tao o grupo sa larangan. Sa isa o dalawang linya lamang tulad ng: “Nasa matimpi at estratehikong manipulasyon ng hulagway at parikala ang talim ng pananalinghaga. Tahimik ngunit nakakaiwa” ni Coroza. Nakapokus sa pangakong aliw, mahika, husay at galing ng lengguwahe; intensidad, lawak, lalim, kapangyarihan at ganda ng visyon.
Kung bakit nasabi nila ito, nasa kasiyahan na sa pagsisikap ng mambabasa ang pagtuklas. At paglapat ng isang historical o sosyolohikal o cultural na pagbasa ayon sa kanyang gulang, edukasyon, kasarian, uri, relihiyon, etnisidad, geyopolitikal na kondisyon, karanasan sa pagbasa, o ano pa mang kontekstong mayroon sa pagpapakahulugan.
Hindi ko naman maiwasang maningkayad at sumabat ng pabulong sa pagbasa ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining, sa kanyang Introduksyon. Pinansin niyang mapangahas na proyekto itong “pagbabalik sa kundiman” ni Samar. Dahil kung tutuusin nga naman, napaka-iksi pa ng “siyam na taon” na pakikipagsapalaran nito sa labas ng bayan lalo pa’t banta na ng mga pantas tulad nina C.P. Cavafy at Tomas Wolfe - at napatunayan sa kaso ni Odysseus - na sa pagbabalik, kapwa nangangapa sa isa’t isa ang bayan at ang bidang layas. Kaya ani pa Almario, “kagila-gilalas ang motibo ng aklat.”
Tunay ngang kagila-gilalas dahil habang tinatanghal ni Samar ang pagbabalik sa kanyang sariling Ithaka, ang Sto. Nino, sa persona nitong si Elias, pinapatay naman nito ang “Makata” na sa pagbasa pa ni Almario, siyang huwarang manunulat ni Elias sa lungsod. Ang pagpaslang sa literary godfather at/o godmother. Ang pagdurog sa “burden of tradition.” Ang pagtapik sa “anxiety of influence.” Pinakilala ang “Makatang” ito sa mga hiwalay na tula. Sa iisang saknong. Kaya ang pangangailangang bumalik ni Elias dahil ayaw nitong maging “ligtas na ligtas sa Kaligtasan” na siyang estado ng sinusuway niya ngayong “Makata.”
Ang pagpili na manindigang dapat mapagpalaya ang sining na ililikha niya. Ang pagdeklarang passé na nga talaga ang “art for art’s sake.” Kaya kailangang Elias ang ipangalan sa persona? Si Elias ni Rizal! At Ligaya ang kababata’t mangingibig? Si Ligaya Paraiso ni Edgardo Reyes sa Mga Kuko ng Liwanag; ni Lino Brocka sa Maynila, Sa Kuko ng Liwanag!
Bago ko pa man ito mapatunayan, nailahad na ni Almario na hindi ang magiting na Elias ni Rizal sa Noli Me Tangere ang Elias ni Samar. Bagamat “binabagabag siya ng mga “alingawngaw ng kamatayan” at dalita noon sa nayon at ngayon sa lungsod; inuusig siya ng pighati sa alaala ng trabaho ng amang panadero at kakatwang pagkawala ng ina sa gubat,” si Elias siya ng Sto. Nino na “mahina ang loob, walang tiwala sa sarili, at nahihindik na saksi sa kanyang daigdig. Isa siyang talunan, kahit sa mga laro noong musmos pa sila ni Ligaya, at tumatakas sa anumang paninindigan.”
Ay, sadya nga bang parang nasa gilid na lamang ng kalsada, tulad sa lungsod, ang nakalaang espasyo para sa mambabasa sa sining ng paglalakad sa tula? Kinakapitan pa ito ng pangamba na sakaling punain niya ang madadaanang lubak, maaring tutugisin siya ng mga elementong narinig man ang sinabi ni Roland Barthes na sa pagsilang ng mambabasa napapas-lang ang manunulat, nananatiling pasibo at tuwiran ang pakikipag-ugnayan sa mambabasa sa proseso ng paghahanap ng kahulugan at kabuluhan sa tula sa panahong limot na ito ng karamihan.
Binuko na rin nila halimbawa sa akin na isa palang tutuong kalye sa Manila ang Kundiman, kakrus ng Espana. A…, ganuon ba? Ngunit patuloy pa ni Almario, “pag-aabang din ito ng Kundiman” kung kaya’t hatol niya: “Nasa pagbabalik na tulad ng kay Elias ang odisea ng makataat sambayanang Filipino tungo sa pagkagagap ng tunay na pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig ukol sa katubusan natin bilang tao at bilang Filipino. Naniniwala ako. Nananalig ako. Ipagdiwang natin ang katuparan ng ating pagbabalik sa ating sariling Ithaka!”
Napakagaling nga naman ng Introduksyon na sana sa isang jornal ko na lang ito nabasa o sa isang akademikong pagtitipon narinig. Binusog na nito ako bago ko pa man malasap ang unang nakahaing tula.
Bigla kong naunawaan ang sinabi ng aking guro, ang makatang si Cirilo Bautista, tungkol sa pagkakaroon ng integridad ng tula.
Nangulila rin ako sa mga nabasa kong aklat ng mga tula, yaong wala akong ideya kung sino siya - ang makata - pero nang mabasa ko ang kanyang mga tula, naintindihan ko kung bakit inilarawan ni Emily Dickenson ang tula bilang “bolts of melody.” Yaon lamang at nakilala ko ang makata. At lalo pang kinilala. Sa kaso ng mga batang manunulat sa bansa - si Allan Popa.
Ngunit bumabasa rin tayo upang makapagtanong, sabi pa ni Kafka. Kung hindi man para mabuhay, tulad ng paniniwala ni Gustave Flaubert. Oo nga naman, daan ang pagbasa sa pagharap sa mga makabuluhang isyu tulad ng pag-iisip at pag-uugali. Sapat nga ba, halimbawa, ang alaala – ang pagtipon nito’t pagsalba sa pagkalimot – upang sumulong sa panahon? Kung ang Kundiman sa aklat ay hindi lamang isang maliit na kalyeng nilimot ng panahon kundi ang panaghoy rin ng isang mangingibig, anong gayuma mayroon ang hinagpis upang lumukob ito ng pagnanasa at pananalig sa persona na abangan? Bakit hindi ang paglikha ng bagong kundiman na hindi rin naman nangangahulugang pag-etsa puwera sa mabibigat na alaala at madidilim na imahen ng/sa bayan at lungsod tulad ng “nanlilimahid na upuan ng bus,” “maalikabok na lansangan,” at “maralitang tanawin sa paligid”? Wala nga ba sa pagiging masaya ang udyok na makisangkot sa usapin ng bayan?
Kaya tinahak ko ang aklat. Dahan-dahan. Naging mapagmatyag sa pagtango at pag-iling.
Nakikita ko rin ba ang nakita nila? Binubuo ang koleksyon ng apatnaput isang tula. Bumubukas ito sa “Alibugha” saan binabandilyo ng persona ang proyektong pagbabalik sa bayan at kung gayon, lumalatag ng tono ng koleksyon:
Sinuway ko ang tagubilin ng Makata: umuwi ako,
napagpasiyahang ito ang pinakamabisang gamot
sa lungkot at takot. Na hindi sa simbahan nalalanggas
ang kasalanan: sa sariling bayan ang bukal ng paghilom.
Habang pumapalaot ako sa dramatikong pag-usad ng mga pahina, tula kada tula, nahapuhap ko sa ritmo ng mga linya at istruktura ng mga saknong ang tensyon sa pagitan ng eksaktong kontrol at marubdob na emosyon. Sumasang-ayon ako kay Coroza na pinamamahayan ang koleksyon ng katahimikang kumukurot at ito ang naiiwan sa akin na musika ng mga tula ni Samar. Nasundot ako halimbawa ng mga huling linya ng “Hindi Ako Masusugatan”:
Ngunit sabihin mo, paano ako masusugatan
sa anumang pag-ibig o pananalig
kung bago pa man lahat, maging langit,
ay una ko nang binibitiwan ang paalam?
Nakilala ko si Elias: ang personang makata na kinakanta ang “Sa Wakas” ng Eraserheads na isang kababata ni Ligaya na anak na iniwan ng ina’t Lola ang nagpalayaw na tinuruan ng amang manimbang sa bisikleta ngunit lumayo nang lumaki; si Maria Makiling na inihalintulad ng persona sa ina niyang hindi na nagbalik na hinahanap niya’t gustong tanungin kung bakit siya pinabayaan at inaalalayan ng huling awit; ang bayan ng Sto. Nino na pinamugaran ng duwende ngayo’y ng demonyo’t walang bisa ang orasyon maging ang sariling salita ng makata na hindi niya mahuli-huli, at ang Kundiman saan nakatayo ang persona minsang umuulan at nabuo sa kanya na ang akto ng pag-alala ay senyales ng paglimot.
Naisip niya ang ilang tauhan sa mga posibilidad ng paglisan at pagbalik sa kantong ito ng Kundiman tulad na lang ng lalaking “Tangay niya lagi sa isip ang bayang iniwan/nang hindi nalalaman na hindi na iyon iyon” kung kaya’t “lumisan agad siyang muli kinabukasan/
natuklasang buo ang kaniyang bayan/kahit wala siya, katawan at pangalan.” Wala sa lalaking ito ang simpatiya ng persona dahil hindi katulad ng lalaking iyon (na hindi lamang layas kundi ignorante sa kasaysayan ng kanyang bayan) alam ng persona na hindi natagpuan ng mga mananakop ang totoong Kundiman “kaya’t nagtatag sila ng kanila, na siyang nababasa/natin ngayon sa mga aklat, at nilalakbay ng mga bumibiyaheng sasakyan.” Kung kaya’t ninanais ng persona na mapasok “ang utak ng bawat nakasasakay sa dyip” at maguhit ang “totoong mapa ng Kundiman” ngunit mulat din siya sa pag-aambisyon kung kaya’t tinatanong niya kung papaano.
Sinagot ito ng persona sa pagpinta ng isang eksenang simtomatiko ng pag-uugali ng bayan sa kanyang makata, ng makata sa kanyang bayan, sa di-magkatagpong panahon: Kagabi, Ngayon ngunit nag-iiwan ng pangakong maari, maaring magkrus, tulad marahil ng Kundiman at Espana, dahil “Bilog ang mundo”:
Pero paano? Kagabi, tumatawa sila:
Akala nami’y namundok ka
Nakitawa ako. Nakitagay ng gin.
Bilog ang mundo. Nagtawanan kami buong gabi.
Ngayon, ang naaalala ko lang:
masyadong masaya rito, kailangan kong lumisan
bago ako abutan ng ulan.
Ani Almario: “Ang pagbabalik ni Elias sa Sto. Nino ay isang pasiyang humarap sa katotohanan at makiisa sa lumbay at pakikihamok sa buhay ng mga kapuwa tao.” Ang totoo, hindi pa nakakabalik si Elias. Nasa estado pa lamang siya ng pag-aamo sa pananalig:
Sana nga’y gunawin
itong ating daigdig
at pag-ibig
ng kalikasan
at hindi ng digmaan, mahal.
Hindi ng digmaan.
-Pananalig sa Kamalig
Hindi pa nakakabalik si Elias dahil abala pa siya sa kanyang pagkaligalig at lungkot:
Ayokong maging saksi sa anumang kamatayan.
Hindi ko makakaya ang katwiran ng mga naiwan:
“namayapa na siya,” samantalang ako’y tulala,
naliligalig sa mga mukha ng pagluluksa
o sa kahulugan pa ng mga nabasang tula.
-Mga Pagtakas sa Kamatayan
Maging siya at ang kanyang mangingibig hindi pa nagkakaunawaan, nagtatagpo. Sa “Sapagkat Lagi’y Tinatanong Mo Ako”, kailangan niyang tanungin ang kanyang mahal kung “okey lang ba?” sapagkat kontra itong huli – “Hindi mo mababago ang mundo!” – himutok nito. Kung kaya ani ng persona, “Lumisan ako sapagkat ibig kong panagutan/ang iyong kinabukasan” at ang hinahain niya pagdating ng araw ay isang tula ng pag-ibig na matutuhan ding ibigin at patawarin ng minamahal.
Kaya sa “Pagitan,” hindi kataka-takang ito ang nadiskubre ng persona sa kanyang sarili: “Kasimbilis ng papalayong tren sa aking harapan/lagi’y nalilimot kong ikaw ang patutunguhan.”
Hindi pa nakakabalik si Elias. Isang poetika ng pagnanasang makisangkot sa pag-aakda ng bayan na ngayo’y nakalutang pa lamang sa geyograpiya ng pag-iisip at saloobin ng persona ang Pag-aabang sa Kundiman. Bilang isang TulamBuhay, katahimikang nangungurot ang siyang nangingibabaw na musika nito’t isang pagbubuo ng Sarili para kay Edgar Calabia Samar. Nasisilip ito, nahahagod, nauulinigan, naaamoy, nararamdaman sa relasyon ng ritmo ng mga linya at saknong at sa mga espasyong nagmamarka sa persona sa piniling pangsarang tula - ang “Kundiman”:
Mag-isang maglalayag sa isla ng paghilom. Ambon
Alon. Daluyong. Panahon. Oo nga pala, hindi dagat
kundi gubat ang pinili kong panahanan ngayon.
Tititigan ko ang mga bituin (gabi na pala, gabi na
nga), mga nagniningning na pilat sa dilim, at saka iisipin:
kay raming pag-iisa sa mundo. Kay liwanag nila: alam ko,
walang pag-asa sa kahit tikatik. Di laging dinidilig
ng ulan ang pag-iisa. At nakilala ko noon ang pag-ibig.
Nakababad pa siya sa kanyang “pag-iisa” upang makapagsimulang kumilos sa isang pakikipagkapatiran. Kaya hangad kong matagpuan niya muli ang pag-ibig. Kailangan ni Elias, kailangan ng makata ang lahat ng lakas upang makapagbalik nga – sa ano mang intensidad at level ng pakikisangkot; sa ano mang kulay at antas ng pag-ngalan – at magtagumpay.
Napakaganda ng hapong iyon ng Mayo sa isang restawran sa mall, at ang marami pang araw ng pagbabasa sa Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay sa kuwarto, sa opisina, sa isang coffee shop. Naipasukat nito sa akin ang layo at lapit ng sarili kong paglalayas at pagba-balik at nakapagbigay ng focus laban sa temptasyon ng romantisasyonn at superfisyalidad.
Nagkasundo kami ng kaibigan ko na aabangan namin ang lalo pang paggulang ni Edgar Calabia Samar.